News & Current Events

PALAWAN WORLD’S BEST ISLAND TOURISM TRADE EXPO 2016 GAGANAPIN SA LALAWIGAN

Bilang pagpupugay sa natamong parangal ng lalawigan ng Palawan itinanghal na World’s Best Island taon-taon mula taong 2013 ay isasagawa sa lalawigan ang isang trade expo at ito ay tinaguriang “Palawan World’s Best Island Tourism Trade Expo 2016” sa Hulyo 29-31, 2016 sa Activity Area ng Robinson’s Mall, Palawan.

Matatandaang noong taong 2013 ay kinilala ang Palawan bilang World’s Best Island ng isang prestihiyosong magasin na Travel Leisure, sa taong 2014 at 2015 ay nagmula naman ang pagkilala sa Conde Nast Travel Magazine at ngayong 2016 muling hinirang ang Palawan ng Travel Leisure Magazine.

Malugod na ibinalita G. Ceasar Sammy A. Magbanua, Chief of Staff ng tanggapan ng Gobernador na ang nasabing gawain ay gaganapin sa loob ng tatlong araw. Lalahukan ang exhibits ng 28 partisipante na magmumula sa mga hotels at resorts, restaurants, mga representante ng munisipyo o mga lokal na pamahalaan sa Palawan at may layuning ipakilala ang estratehiyang “one town, one product”.

Tampok sa Trade expo ang iba’t-ibang promotional discounts ng mga hotels at resorts, restaurants gayundin ng mga airlines. Magkakaroon din ng surprise raffle prizes at malaking diskwento sa mga magtataguyod ng hotel accomodations at ng airline companies, pakakaabangan din ang palabas ng Palawan Performing Group sa nasabing aktibidad.

Ayon kay G. Magbanua, minarapat ni Gob. Jose Chaves Alvarez na gawin dito ang trade expo. Aniya “ the Provincial Government would like to build on international good will that was generated since 2013 when Palawan was voted by readers of several prestigious and international magazines, Governor would like to capitalized on this prestigious accolades that we’ve been getting and one way of doing that is through this activity that we will conduct.”

Ang tatlong araw na trade expo ay inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamamagitan ng Palawan Tourism Office, suportado ng Palawan Tourism Council at ng mga pribadong sektor na nagpahayag ng kanilang intensyon na makibahagi sa gaganaping gawain.

Hinikayat ni G. Magbanua ang lahat na magtungo sa Robinson’s Mall sa darating na ika-29-31 Hulyo 2016 upang makiisa at maipagmalaki ang pagiging maswerteng Palaweno na residente ng lalawigang tinaguriang World’s Best Island.

Read All News